Sa mga kapwa kong seaman, isang pagbati ng masaganang 2018 sa inyong lahat lalo na sa mga kasamahan natin na sadyang hindi nakapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon kapiling ng kanilang pamilya. Sabi nga nila, sanayan lang at nagkataon na ang ating hanapbuhay ay nasa karagatan.


Sa pagkakataong ito ay muli akong maghahatid sa inyo ng mga kuro-kuro at opinyon kaakibat ng mga impormasyong may kinalaman sa maritime industry, ang isa sa pinakamatatag na segment ng Philippine economy. Sa unang salvo, ng 2018 ay talagang nagulantang ang lahat sa di inaasahang pagkakasibak sa puwesto ni CE Marcial Q. Amaro III, PhD bilang Administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA) dahilan sa foreign junkets nito. Maagap naman na dinepensa ni Amaro ang kanyang mga biyahe na aniya’y kinakailangan at hindi leisure o personal nyang lakad. Pawang mga biyahe na may kinalaman sa pagsusulong ng mga pagbabago at patuloy na pagsasaayos ng shipping at seafaring sa Pilipinas alinsunod sa mga polisiyang itinatakda ng International Maritime Organization (IMO).


Subalit nakakabahala ang mga naging kaganapan sapagkat ang Pilipinas ay isa lamang sa maritime nation na maituturing na nasa ‘international spotlight’ dahilan sa kabiguan ng Maritime Administration at stakeholders nito na maiwasto ang mga itinuturing na deficiencies sa hanay ng education, training and certification na unang napansin ng European Union attached agency European Maritime Safety Agency (EMSA) simulaa noong 2006. Sa kanilang pinakahuling tala, kapuna-puna pa rin sa mata ng EMSA representaives ang major non-conformances sa hanay ng maritime higher education institutions (MHEIs) at maritime training institutions (MTIs) batay sa kanilang inspection noong March 2017. Isang aspeto ng shipping at seafaring na patuloy na ginagawan ng mga katugunan ng maritime industry, kaakibat ang stakeholders sa hangaring mapanatili ang pagiging “preferred of choice” ng Filippino seafarers sa hanay ng foreign shipowners.


Sa pagkakasibak kay Amaro, maraming mga programa ang mananatiling blue print na lamang kung magkakataon. Sa kadahilanan na rin at batay sa sistema ng governance at leadership sa isang ahensya ng gobyerno, malinaw na walang continuity ang mga kongkretong plano at programa na dapat sanang ibayong magpapabuti sa kalagayan ng Philippine Maritime Industry. Ilan sa mga programa sa MARINA na nasimulan ni Amaro ang 10-year Maritime Industry Development Program (MIDP) na siyang magsisilbing roadmap na gagabay sa Administration sa pagbalangkas ng long-term program ng ahensya. Ipinaliwanag ni Amaro ang malawak na nasasaklaw ng maritime activity lalo pa’t hindi lamang ito inuugnay sa traditional sectors ng domestic at overseas shipping kundi maging ang shipbuilding at maritime manpower development ay nahanay dito. Nailatag na ng dating opisyal ang pag-adopt sa iba’t ibang strategies na magsusulong sa kagalingan at pag-angat ng Philippine Maritime Industry bukod pa sa naisumite na ito sa Office of the President para sa kaukulang approval. Dahil sa kanyang maagang paglisan sa MARINA, ang Pangulong Duterte lamang ang makakapagsabi kung ano ang kahihinatnan nito. Bilang isang beteranong seaman at miyembro ng academe, bukod pa sa kanyang angking kaalaman sa Quality Management System Standard (QMSS), naisagawa ni Amaro na i-harmonize ang implementasyon ng International Maritime Organization (IMO) Conventions batay na rin sa itinatadhana ng Republic Act 10635 na nagtatakda sa MARINA bilang Single Maritime Administration.


Bumuo ng iba’t ibang konsultasyon ang liderato ng MARINA lalo na ang may kaugnayan sa matagal nang nabinbin na panukalang Maritime Code na maglalatag ng mga alituntunin para sa implementasyon ng 1974 International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS), as amended; 1973 International Convention on the International Regulations for Preventing Collision at Sea (COLREGS), as amended; 1966 International Convention on Load Lines, as amended; at ang 1969 International Convention of Tonnage Management of Ships, as amended. Pawang may kinalaman sa SAFETY na siyang pangunahing concern sa ilalim ng IMO standards.


Iginiit ni Amaro na kinakailangang magkaroon ang Pilipinas ng batas para dito upang ganap na maayos na maipatupad ang naturang international conventions. Nakasaad sa nasabing international conventions ang pakakaroon ng national law na magbibigay ng kapangyarihan para maipatupad ang naturang Conventions. Samantala, maging ang discharge ng functions ng STCW Office ng MARINA ay tiniyak ang mga pagbabago sa kanilang sistema lalo na sa usapin ng licensing at certification. Sa kabila ng mga alegasyon ukol sa integrity ng theoretical examinations, siniguro ng liderato ng Administration na ang mga mahahalagang reporma para dito ay maipapatupad. Naisakatularan na rin ang pagsasagawa ng theoretical examinations sa regional offices ng MARINA sa Cebu at Davao at inaasahang magsisimula na rin sa Iloilo at iba pang strategic areas kung saan maituturing ang malalaking bilang ng seafarers na pinagtitiyagaan ang pagtungo sa MARINA head office sa Manila upang maisagawa ang transaction na may kinalaman sa kanilang certificates at licenses.


Bagama’t may hindi pagkakasunduan ang hanay ng MARINA, Commission on Higher Education (CHED) at grupo ng MHEIs ukol sa isyu ng shipboard training, monitoring at inspection, nananatili ang posisyon ng Administration na tumalima ang mga ito alinsunod sa itintakda ng global standards upang tuluyang mapawi ang mistulang lamat sa hinihinging quality at competence ng Filipino seafarers. Ilang lamang ito sa mga pagbabagong nasimulan at posibleng ilan dito ay ipinagpatuloy na lamang sa liderato ni Amaro, kapansin-pansin pa rin na may ilang grupo na nananatiling taliwas sa mga adhikain at hangarin ng sino mang maluluklok na Administrator ng MARINA - mainam para sa isang demokrasya na malayang ipahayag ang saloobin ngunit kailangan natin laging isa-alang-alang ang kapakanan at interes ng Filipino seafarers na siyang nalalagay sa balag ng alanganin.


Idagdag pa natin ang pagbibitiw sa puwesto ni STCWO Executive Director Capt. Eleazar Diaz na maagap na tiniyak ng itinalagang Officer-in-Charge na ano man ang nasimulang reporma sa nasabing department ay kanila itong ipapagpatuloy. Ilang araw matapos ang alisin sa puwesto ni Pangulong Duterte si Amaro, sinibak rin nito si CHED Chairperson Patricia Licuanan sa kahalintulad na foreign junkets. Ang MARINA at CHED ay magkaakibat sa pagpapatupad mga polisiya at programa ukol sa MHEIs lalo na sa aspeto ng bachelor’s degree program, BSMT at BSMarE na kailangang tumalima sa international standards. Ilang MHEIs na rin ang binawian ng accreditation para sa nasabing programs sa kabiguang makasunod sa hinihinging standards lalo na ang may kinalaman sa facilties, equipment, instructors, shipboard training at ang kontrobersyal na carrying capacity.


Sa mga kaganapang ito, saan na nga ba patungo ang MARINA? Anong maasahan ng mga marino sa susunod na liderato? Makakamit ba ng Filipino seafarers ang inaasam ng tunay na pagbabago at ganap na matutugunan ang kanilang hinaing lalo pa’t may alegasyon ang kanilang hanay na ginagawa lama silang milking cow? Mga kapwa ko marino, magkaisa tayo sa pagsusulong ng maayos na sistema, liderato at good governance para sa sino man ang iluluklok ng Malakanyang at tamahasahin natin ang professionalism sa pagbabarko.


Para sa inyong mga komento, maaari kayong magpadala ng e-mail sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Puwede rin kayong bumisita sa aming facebook pages This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Para sa iba pang katanungan, tumawag sa aming tanggapan sa 712-1842 at 712-7226.

Buhay Marino Dyaryo is published monthly by SEAFARERS MARITIME MEDIA, INC.

with offices at Rm. 603, 6th Floor, GS Building, 840 M.F. Jhocson St., Sampaloc Manila

Telephone/ Fax Nos.: (02) 712-1842, (02) 712-7226.